|
PSSLC 2.6 Naisasaalang-alang ang kahalagahan ng pagpapaliban ng pagpapasya sa panahon ng pagkalito at agam-agam.
I PAGTALAKAY
A. Lunsaran
Imang: E bakit mo sinagot ng oo si Luke eh hindi mo naman pala segurado kung s’ya talaga ang gusto mo?
Veronica: Nabigla ako eh. Si Pablo kasi, ang bagal-bagal magtapat!
Imang: O, e anong plano mo ngayong sabi mo e hindi ka masaya sa resulta n’yang ginawa mo?
Veronica: Oo nga eh. Nahihirapan na tuloy akong mag-isip. Haay naku!
Imang: Ayan kasi! Pabigla-biglang magdesisyon!
a. Tanong na Kaugnay ng Lunsaran:
Bakit namumroblema si Veronica?
b. Gabay sa Pagpoproseso ng Pagpapahalaga
Isipin
Mamumroblema pa rin kaya si Veronica kung naging maingat siya sa pagpapasya?
Damhin
Mahihirapan din kaya ang damdamin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ni Veronica? Bakit?
Tanggapin
Kailangan ba talagang mag-isip nang maraming beses bago magpasya? Bakit?
Uuy! Nadadala ka na ba ng iyong emosyon? Mabuti pa’y basahin mo na ang lektyur upang maunawaan mo kung ano ang dapat gawin sa mga pagkakataong hindi ka segurado sa aksyong nais mong gawin.
B. Paghahalaw
“Think a million times…”
Ito ang karaniwang payo sa mga taong kailangang magpasya. Ibig sabihin ba nito ay isang milyong beses nga talaga tayong dapat mag-isip kung gagawin natin ang isang bagay o hindi? Hindi naman. Ayon sa mga matatanda, ibig lang daw nitong sabihin ay isipin ang lahat-lahat ng maaaring ibunga ng anumang hakbang na gagawin bago ganap na magpasya. Iyon bang tipong isasaalang-alang mo kung mas marami ang mabubuting ibubunga kesa sa masasama.
Marami kasing di magagandang pangyayari sa buhay ng bawat tao ang maaaring ibunga ng kawalan ng kaseguruhan sa pagpapasya.
Nasa huli ang pagsisisi.
Ang anumang bagay na nagawa na, kelan man ay di na puwede pang mabago. Kung ayaw nating mangyari ito, maging matalino sa pagpapasya.
Magaling Ka Bang Magdesisyon?
Habang nabubuhay ang tao, kailangan niyang magdesisyon sa bawat oras - ano’ng klaseng kasuotan ang susuutin, ano’ng pagkain ang kakainin, uuwi ba agad sa bahay pagkatapos ng klase, ano’ng kurso ang kukunin sa kolehiyo at iba pa. Ang tanong – “Magaling ka bang magdesisyon? Kung hindi, huwag mag-alala! Ang pagdedesisyon o pagpapasya ay isang kasanayang puwedeng matutunan ng kahit sino.
May dalawang pangunahing uri ng pagpapasya
1) Pagpapasyang pinag-isipang mabuti, at 2) Pabigla-biglang pagpapasya
Alin sa dalawa ang higit na mabuti? Siyempre yaong nauuna? Kung hindi kasi pag-iisipan muna ang mga ibubunga ng anumang aksyon, walang kaseguruhang magiging mabisa ang pasyang gagawin. Siyamnapu’t siyam na porsyentong baka ito pumalpak at isang porsyento lang ang tsansang ito ay magtagumpay. Sayang hindi ba?
Ipinapayo ni Gonzalez (et al 1989) na makabubuting ipagpaliban muna ang pagpapasya sa panahon ng pagkalito at agam-agam. Gaya ng nangyari kay Veronica, maaari lamang lumikha ng problema kung wala kang kaseguruhan sa desisyong iyong gagawin.
Mga Karaniwang Sanhi ng Pagkalito o Agam-agam sa Pagdedesisyon
Kakulangan ng kaalaman sa mga bagay na dapat isaalang-alang gaya ng mga sumusunod:
mga taong maaapektuhan antas ng mabuti at masamang epekto mga ibubunga
Tandaan:
Ang paghingi ng payo sa mga awtoridad (magulang, guro, pulisya, nakatatandang kamag-anak) ay mahalagang gawin sa ganitong sitwasyon. Ang kaibigan na kasinggulang ay di kailanman dapat hingan ng payo sapagkat kulang pa rin siya sa kaalaman sa mahusay na pagdedesisyon.
Mga Sekreto sa Mabuting Pagdedesisyon
ni
Michael T Robinson CareerPlanner.com
Isinalin sa Tagalog
ni
Laurita Arca
Totoong Intensyon (True Intentions)
Sekreto Bilang 1
Sa panahon ng pagpapasya, tanungin ang sarili kung ano ang gagawin mo halimbawang alam ng lahat ang totoo mong intensyon. Isipin mo na lang na napaliligiran ka ng mga taong may kakayahang suriin kung nagsasabi ka ng totoo o hindi. Ano ngayon ang gagawin mo? Ang pagtatanong nito sa iyong sarili ay makatutulong para makita mo ang totoong nilalaman ng puso mo.
Ang Aking Obitwaryo (My Obituary)
Sekreto Bilang 2
Sa panahong nalilito ka o wala kang ideya kung ano’ng desisyon ang dapat mong gawin, itanong sa sarili ang mga sumusunod:
Paano mo nais maalala ng iba kapag ikaw ay patay na? Ano ang mga gusto mong sabihin ng mga tao sa’yo sa panahon ng paglalamay sa iyong kamatayan?
Maaari mong subukang isulat ang mga sa palagay mo ay sasabihin ng iba tungkol sa iyo kung ano ka habang nabubuhay.
Ang Ikatlong Pamimilian (The 3rd Option)
Sekreto Bilang 3
Kung nahihirapan ka naman sa pagpili mula sa dalawang pamimilian, ang solusyon marahil ay maghanap ng ikatlong pamimilian. Ayon kay Perry (batay sa sinulat ni Robinson 1987), kaya ka marahil nahihirapang mamili sa dalawang pamimilian ay dahil pareho mong di gusto ang dalawang ito. Marahil, ayon sa kanya, ay may iba ka pang hinahanap
|